Influenza-like illness sumirit ng 45% ngayong 2023

MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health (DOH) na ang kaso ng influenza-like illness (ILI) sa taong ito ay 45% na higit pa kaysa sa mga nakarehistro sa parehong panahon noong 2022.

Ayon sa DOH, 151,375 na kaso ng ILI ang naitala noong Oktubre 13. Sa pa­rehong panahon noong 2022, ang bansa ay may 104,613 mga kaso.

Nagkaroon ng pinakamalaking pagtaas sa ILI mula Setyembre 3 hanggang 16 sa 26% ng sinundang mga linggo.

Nauna nang kinumpirma ng DOH na tumataas ang kaso ng influenza at COVID-19 dahil sa pagbabago ng temperatura sa panahon ng tag-ulan.  Karaniwan na sa malamig na panahon kumakalat ang mga virus.

Maaari rin umano na ang pagkakatukoy sa mas maraming kaso ng ILI ay dahil sa pagtatapos ng pandemya sa COVID-19 kaya mas nakakapokus ang mga health offices sa pagbabantay sa ibang mga sakit ngayong taon.

Nangako naman ang DOH na magpapatupad ng mahigpit na surveillance o pagsubaybay sa mga kaso habang nagpaalala sa publiko ng ibayong pag-iingat dahil sa inaasahan pang lalong tataas ang bilang ng mga kaso ng ILI.

Show comments