Sa loob ng limang taon…
MANILA, Philippines — Sa loob ng limang taon ay tumaas pa ang bilang ng mga kabahayan na walang kuryente sa buong bansa.
Sa pagdinig ng Senado sa 2024 budget ng Department of Energy (DOE), tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian na batay sa 2020 census, umakyat sa 1.8 million households ang hindi pa nabibigyan o nasusuplayan ng kuryente sa buong bansa.
Higit sa doble ang itinaas sa bilang mula sa dating 800,000 unelectrified households na naitala noong 2015.
Paliwanag naman ni Energy Secretary Raphael Lotilla na batay sa 2015 census, ang status ng electrification program o mga households na nabigyan na ng kuryente sa buong bansa ay nasa 96.17%.
Mula sa porsyentong ito, 98.89% na mga households sa Luzon ang nabigyan na ng kuryente, 97.61% sa Visayas habang 88.12% sa Mindanao.
Babala naman ni Lotilla na hindi malabong madagdagan pa ang bilang ng mga kabahayan na walang kuryente lalo pa at nakaapekto rito ang pagdami ng households at paglaki ng populasyon.
Sinabi ni Lotilla na mahihirapan din silang matugunan ang pagbibigay ng kuryente sa maraming lugar sa bansa bunsod na rin ng limitadong budget na ibinigay sa kanila ng Department of Budget and Management para sa susunod na taon.
Ayon naman kay National Electrification Administration Administrator Antonio Mariano Almeda, dahil sa tinapyas ng DBM na mahigit P4 bilyon sa kanilang budget, bumaba sa 576 sitios ang dapat sana’y target na 2,000 sitios na mabigyan ng kuryente para sa susunod na taon.
Ibig sabihin halos 1,500 na sitio ang hindi mabibigyan ng suplay ng kuryente sa 2024.