Nagbanta na gagahasain ang anak ng ex…
MANILA, Philippines — Isang lalaki ang naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-AOTCD) sa isang entrapment operation dahil sa online extortion sa Quezon City.
Ito ay nang bantaan ang dati niyang karelasyon na gagahasain ang anak nitong 15-taong gulang na anak na babae.
Ang suspek na itinago sa alyas John ay sinampahan na ng mga kasong paglabag sa Article 293 at 294 (Robbery Extortion) ng Revised Penal Code (RPC), Grave Threats, R.A. 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009) at R.A. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004).
Batay sa reklamo ng hindi pinangalanang biktima, inamin niya na dati niyang karelasyon ang suspek hanggang sa magkahiwalay matapos ang isang matinding away.
Sa isang pagkakataon, nagbanta sa kaniya ang suspek sa pamamagitan ng text message na ipo-post niya sa social media ang mga hubad niyang larawan at sex video nila kung hindi magbibigay ng P10,000.
Dito umano nagbigay ang biktima ng pera sa suspek na umabot na sa P50,000 dahil sa paulit-ulit na pagbabanta hanggang sa takutin siya na gagahasain niya ang kaniyang 15-taong gulang na anak na babae habang kukunan ito ng video ng mga kabarkada.
Lumantad din sa NBI ang pinsan ng suspek at pinatunayan ang mga pagbabanta na ginawa ng kaniyang pinsan.
Dito nagkasa ng entrapment operation ang NBI nitong Setyembre 19 sa pinapasukang opisina ng biktima sa Quezon City.
Dumating naman dito ang suspek at nakipagkita sa biktima at nang abutin ang inihandang marked money ay dito na siya dinakma ng mga nakaantabay na operatiba.
Narekober sa suspek ang P10,000 marked money, cellular phone kung saan nakatala ang pangongotong niya at mga hubad na larawan at videos na kaniyang ipinantatakot sa biktima.