MANILA, Philippines — “May karapatan ang Pilipinas na tanggalin ang anumang “floating barrier” na inilagay ng China sa Scarborough Shoal.”
Ito ang tahasang sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya dahil ito ay nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Permanent Court of Arbitration ruling noong 2016.
“Maliwanag na maliwanag po iyong 2016 arbitral ruling kung saan itong Scarborough Shoal ay may karapatan ang ating mga mangingisdang makapagpangisda diyan ever since mula pa centuries ago,” ani Malaya.
Una nang inireport ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkakaroon ng 300-meter floating barrier na inilagay ng China sa Scarborough Shoal upang pigilang makapangisda ang mga Pinoy.
Ayon naman kay PCG spokesperson ng WPS Commodore Jay Tarriela, ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF WPS) at ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang magdedesisyon kung tatanggalin na ang floating barrier.