MANILA, Philippines — Hindi ang volcanic smog mula sa Bulkang Taal ang maruming usok na nararanasan sa Metro Manila kundi mula sa naibubugang maruming usok ng mga sasakyan.
Ito ang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Environmental Management Bureau na batay sa air quality monitoring data na nagpapakita ng heightened alert sa ilang bahagi ng Metro Manila dulot ng maruming usok na nailalabas ng mga sasakyan sanhi ng matinding trapik lalo na kung rush hour.
Niliwanag din ng Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) na ang volcanic smog mula sa Bulkang Taal ay napapadpad sa west-southwest direction at malayo sa direction ng Metro Manila.
Sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum na ang smog sa Metro Manila at volcanic smog sa Taal Volcano ay walang kinalaman sa isa’t isa dahil ang smog sa Metro Manila ay likha ng“thermal inversion,” at ang smog sa Bulkang Taal ay volcanic gas.