PNP, AFP pinanindigan na sumuko ang 2 estudyanteng environmentalist

MANILA, Philippines — Pinanindigan ng National Task Force to End Local Com­munist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang report ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglalahad na sumuko sila Jhed Tamano at Jonila Castro na mga community organizers ng communist front organizations.

Ito ang sinabi ni Director Alex Umpar ng NTF-ELCAC Secretariat na kung saan ay nagawa pa nina Tamano at Castro na baguhin ang kanilang pahayag na sila raw ay “dinukot at sapilitang pinasuko” ng mga sundalo noong September 2, 2023 sa Orion, Bataan.

Ayon kay Umpar, layon ng press conference na masabi ang totoo kaya nagkaroon ng koordinasyon sa local government unit (LGU) ng Plaridel dahil constituents ito ni Mayor Jocell Aimee Vistan-Casaje.

Aminado si Umpar na ikinagulat at ikinalungkot nila ang “biglaang pagbabago ng isipan” ng dalawang estudyante dahil nais lamang nilang mailapit at matulungan ang mga ito na magbalik-loob.

Aniya, hindi nito mapipigilan ang kanilang pagtupad sa mandato ng task force.

Siniguro naman ni Plaridel Mayor Jocell Aimee Vistar ang pag-aaruga sa dalawa at sinabing ang kanilang LGU ay todo-suporta kina Tamano at Castro, gaya ng kanilang pagkalinga sa iba pang mga kabataan ng probinsiya.

Show comments