8 pulis sa Jemboy murder, sibak na sa serbisyo  

People pay respects to 17-year old Jerhode Jemboy Baltazar in his wake in Navotas City on August 11, 2023.
The STAR / Miguel de Guzman, File

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Na­tional Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagsibak sa serbisyo ng walong pulis Navotas na sangkot sa pagpatay sa 17-anyos na  si Jemboy Baltazar.

Ang pagsibak sa walong pulis-Navotas ay una nang inirekomenda ng Philip­pine National Police - Internal Affairs Service (PNP-IAS) kasunod nang ginawa nilang imbestigasyon.

Sinabi ni NCRPO chief Police Brigadier General Melencio Nartatez Jr. na tapos na niyang pirmahan ang rekomendasyon mula sa IAS na natanggap niya nitong nakalipas na linggo.

“Napirmahan ko na,” wika ni Nartatez.

Nabatid na ang anim na pulis ay napatunayang guilty sa administrative cases na grave irregularity in the performance of duty and conduct unbecoming of a police officer.

Kinilala ang anim na pulis na sina Police Exe­cutive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Gerry Maliban, Police Staff Sergeant Antonio Bugayong, Police­ Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Ed­mark Jake Blanko Blanco­, at Patrolman Benedict Mangada.

Samantala ang dalawang pulis na team leader sa isinagawang police ope­ration ay kinilalang sina  P/Captains Mark Joseph Carpio at Luisito dela Cruz, ay napatunayang guilty sa grave neglect of duty.

Magugunita na si Bal­tazar ay binaril at napatay noong Agosto 2 habang papunta sa bangka para mangisda nang barilin ng mga pulis na humahabol umano sa isang suspek na namaril sa Brgy. NBBS Kaunlaran.

Sa salaysay ng kaibigan at kasama ni Baltazar na kanilang inihahanda ang kanilang bangka nang dumating ang mga pulis at inutusan sila na bumaba sa bangka.

Dito ay pinagbabaril sila ng mga pulis kung kaya’t tumalon sa tubig si Baltazar na kung saan ito ay tinamaan ng mga bala.

Kalaunan ay inamin ng mga pulis na napagkamalan nila si Baltazar na suspek sa pamamaril.

Inamin ng anim na pulis sa kanilang affidavit na pinagbabaril nila ang tubig at walang intensyon na barilin si Baltazar.

Lumalabas sa resulta ng otopsiya ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun na si Baltazar ay may tama ng bala sa kanan na nagpapahiwatig na idinedepensahan nito ang sarili at lumabas din sa resulta na may dalawang tama ng bala sa ulo.

Batay din sa death certificate ni Baltazar na ang dahilan ng kamatayan nito ay tama ng bala sa ulo at pagkalunod.

Show comments