Presyo ng manok, itlog posibleng bababa na

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag matapos na makipagpulong si Pangulong Marcos, na siya ring namumuno sa Department of Agriculture (DA), sa mga kinatawan ng PT Vaksindo Satwa Nusantara, isang Indonesian animal health firm.
Michael Varcas / File

Marcos bibili ng avian flu vaccine…

MANILA, Philippines — Posibleng bababa na ang presyo ng manok at itlog sa merkado kaugnay ng planong pagbili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng avian flu vaccine .

Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang inis­yatibo ni Pangulong Marcos na bilisan ang pagbili ng avian flu vaccines ay upang mu­ling mapasigla ang poultry industry ng bansa na nag­lalayong mapababa ang presyo ng manok at itlog.

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag matapos na makipagpulong si Pangulong Marcos, na siya ring namumuno sa Department of Agriculture (DA), sa mga kinatawan ng PT Vaksindo Satwa Nusantara, isang Indonesian animal health firm.

Plano umano ng Vaksindo na makipagtulungan sa lokal na partner nito na Unahco Inc. (Univet Nutrition and Animal Healthcare Company) Philippines para sa planong paglalagak ng pamumuhunan sa Pilipinas na nagkakahalaga ng $2 milyon ngayong taon bukod pa sa pagbebenta sa Pilipinas ng avian flu vaccine.

Sinabi ni  Romualdez na bumaba ng 20 por­syento ang produksyon ng itlog sa bansa bunsod ng pagpatay sa hindi bababa sa 10 milyong manok dahil sa avian flu na unang naiulat sa bansa noong 2017.

Bunsod nito, tumaas ang presyo at mabibili na ang medium-sized na itlog sa Metro Manila sa hala­gang P8.70 mula sa P6.90. Mayroon umanong mga palengke na umaabot sa hanggang P10 ang presyo ng regular-sized na itlog.

Ang presyo naman umano ng whole chicken sa Metro Manila ay umakyat sa P200 mula sa P150 noong Hunyo, na iniuugnay din sa avian flu.

Show comments