LRT-1 Roosevelt Station, ipinangalan kay Fernando Poe Jr.
MANILA, Philippines — Pinalitan kahapon ang Roosevelt Station ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Quezon City sa yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. (FPJ) Station.
Ang ceremonial unveiling ng bagong signage ng istasyon ay isinagawa kahapon, sa pangunguna mismo ni Senator Grace Poe na adopted daughter ni FPJ.
Sa kanyang mensahe para sa okasyon, nagpasalamat siya dahil sa ngayon ay nabibigyan na ng kahalagahan ang kontribusyon ng mga artistang Pinoy sa bansa.
“Ang mga artista sa ating lipunan, ngayon na lang kinikilala ang kontribusyon. Noon ang tingin, artista ka lang. Ngayon meron na tayong train stop. Hindi lang si FPJ ang magiging huli. Malay niyo sa susunod, iba naman sa ating industriya,” anang senadora.
Ayon pa kay Sen. Poe, si FPJ ang naging simbolo ng mga mamamayan, ano man ang trabaho ng mga ito, na araw-araw ay nagsisipag at walang pagod na nagtatrabaho upang mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak. Disyembre 2021 nang lagdaan ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang Republic Act 11608, upang palitan ang pangalan ng Roosevelt Avenue at gawin itong Fernando Poe Jr. Avenue.
Nabatid na ang Roosevelt Avenue, na nasa first legislative district ng Quezon City, ay ang kinaroroonan ng ancestral residence ni FPJ, kung saan niya ginugol ang kanyang kabataan. Ang LRT-1 ang siyang nagdudugtong sa FPJ Station sa Quezon City hanggang sa Baclaran Station sa Parañaque City.
- Latest