P1K monthly ayuda sa solo parent, isinusulong
MANILA, Philippines — Isinusulong ni ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo ang pagrepaso sa“Expanded Solo Parent Act” o Republic Act 11861 dahil maraming mga benepisyaryo ang hindi nakakatanggap ng mga benepisyo ng naturang batas.
Inihain ni Cong. Tulfo ang House Resolution 1150 sa layuning marebyu ang naturang batas dahil maraming mga single moms o solo parents ang walang natatanggap na ayuda.
“Yung P1,000 na buwanang dapat ibigay ng mga LGU (local government units) hindi raw naibibigay lalo na yung nakatira sa mga maliliit na bayan o munisipyo na ang dahilan ay wala umano silang pondo o kulang sa budget,” ayon kay Cong. Tulfo.
Kaya ang tanong ni Tulfo na kung walang budget ang munisipyo ay saan kukunin ang P1K ayuda para sa solo parent na isa nang batas.
Nalaman din ni Tulfo na maraming mga supermarket at mga botika ang hindi nagbibigay ng 10 percent discount sa mga solo parent na nakasaad naman sa batas.
“Kaya we ask the Department of Trade and Industry na ipaalam sa mga business establishments na dapat bigyan ng discount ang mga single moms o solo parents,” dagdag pa ni Tulfo.
Idinagdag pa ni Tulfo na dapat exempted din sa VAT ang mga pinamili ng mga solo parents pero hindi naibibigay sa kanila.
Kasama ni Tulfo ang kasamahan sa ACT-CIS Partylist na sina Cong. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo na nag-file ng nasabing resolusyon.
- Latest