MANILA, Philippines — Mahigit 400 pasahero patungo sa mga probinsya ang na-stranded kahapon sa Manila North Passenger Terminal nang hindi payagang makapaglayag ang kanilang mga sasakyang barko dulot ng bagyong Egay.
Nabatid na patungo sana ang mga pasahero sa Bacolod, Cebu, Zamboanga, Butuan, Dipolog, Cagayan, at Puerto Prinsesa kaya ngayon ay nanatili muna sa pantalan habang nag-aantay ng abiso ng kanilang biyahe mula sa shipping lines.
“Mayroon pong mga naabisuhan na sa July 28 hanggang August 7 pa po ang byahe nila kaya naman tayo po sa pantalan ay naka-antabay sa mga assistance para sa mga pasahero, kabilang na dito ang PPA Lugaw, free charging station, free water refilling station, at paggamit po ng maayos na palikuran,” ayon sa Philippine Port Authority (PPA).
Tiniyak ni PPA General Manager Jay Santiago na may maayos na masisilungan ang mga stranded na pasahero sa iba’t ibang pantalan habang regular rin ang pamamahagi nila ng pagkain lalo na ang mainit na lugaw.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nakapagtala ng 6,716 pasahero, tsuper at helpers; 26 sea vessels; at 1,226 rolling cargoes ang stranded sa mga pantalan ng Bicol region.
Umabot naman sa 2,635 pasahero, tsuper at helpers; pitong sea vessels; 532 rolling cargoes; at 2 motorbanca ang stranded sa mga pantalan ng Eastern Visayas.
Habang sa mga pantalan ng Southern Tagalog at NCR-Central Luzon, umabot sa 1,429 pasahero, tsuper at helpers; 40 sea vessels; 272 rolling cargoes; at 25 motorbanca ang stranded.
Patuloy naman na nakaalerto ang lahat ng units ng PCG para sa agarang pagresponde sa mga ulat ng emergency habang pinananatili ang kaayusan sa mga pantalan.