MANILA, Philippines — Mismong si Philippine National Police chief General Benjamin Acorda Jr., ang nagbigay ultimatum sa limang pulis-Maynila na sangkot sa robbery/extortion sa isang computer shop sa Sampaloc, Maynila para sumuko at harapin ang kanilang kaso.
Kinilala ang mga sangkot na pulis na sina P/Staff Sgts. Ryann Tagle Paculan, Jan Erwin Santiago Isaac; Cpl. Jonmark Gonzales Dabucol; at Patrolmans Jeremiah Sesma Pascual, at John Lester Reyes Pagar, pawang mga miyembro ng District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) ng Manila Police District (MPD).
“I urge those PNP personnel na sumuko na lang,” ayon kay Gen. Acorda nitong Sabado laban sa limang pasaway na pulis-Maynila.
Binigyang diin ni Acorda na hindi sa lahat ng oras ay makakapagtago ang nasabing mga pulis kaya’t mas makabubuting sumuko na sila nang maayos.
Dahil sa pangyayari, nadamay ang 50 miyembro ng MPD-DPIOU na sinibak ang buong unit habang patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon hinggil sa nasabing kaso.
Inatasan na ni Acorda ang pamunuan ng MPD na makipagtulungan sa PNP-Intelligence Group (PNP-IG) sa Camp Crame at Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang mahanap ang mga nagtatagong pulis.
Ayon sa PNP, ang limang pulis na pawang nakasuot ng sibilyan ay puwersahang pinasok ang isang computer shop sa Barangay 525 sa Sampaloc, Maynila nitong Hulyo 11 at nagsasagawa umano ng operasyon kontra illegal na sugal.
Inakusahan ng grupo ang 73-anyos na may-ari ng computer shop na si Herminigildo dela Cruz, na sangkot sa pasugalan sa kanyang computer shop at saka kinuha umano ng mga pulis ang P44,000 na kita ng shop. Sinabihan pa umano siyang magbigay ng P4,000 kada linggo bilang lingguhang intelehensya para umano sa proteksyon ng kanyang negosyo.