MANILA, Philippines — Isang special investigation task group (SITG) ang binuo ng Philippine National Police (PNP) upang tutukan ang pamamaril na nagresulta sa pagkasugat ni Rene Joshua Abiad, photojournalist at apat na iba pa nitong Huwebes ng hapon sa Quezon City.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PBGen. Redrico Maranan, pinamamadali ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda Jr., ang imbestigasyon upang matukoy ang salarin.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa braso si Rene Joshua habang dalawang tama naman ng bala sa ulo at panga ang tumama sa kapatid nito na si Renato na nasa kritikal na kondisyon.
Kritikal din ang kondisyon nina Reese, 4 at Caiden Abiad, 8, kapwa anak ni Renato. Habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang bystander na si Jeffrey Ngo Cao, 47.
Ligtas naman ang mag-ina ni Joshua na sina Elizabeth, 37 at Raine Aeunice, 6 at misis ni Renato na si Cheryl Abiad, 42.
Tiniyak ni Maranan na himaymayin ang mga impormasyon at bibigyan ng hustisya ang ambush incident.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa pamilya Abiad upang matukoy ang motibo ng ambush.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon ng QCPD na plaka ng isang Honda Civic ang ginamit sa Toyota Vios ng mga suspek.
Nangyari ang insidente, alas-3 ng hapon sa tapat ng bahay ng mga biktima sa Corumi St., Brgy. Masambong, Quezon City.