MANILA, Philippines — Mas hihigpitan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang kampanya kontra loose firearms matapos ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ni Mabini, Batangas Mayor Nilo Villanueva at dalawang kapatid nito noong Sabado dahil sa mga hindi lisensyadong baril.
Ayon kay CIDG Director PBGen. Romeo Caramat na sinumang lalabag sa batas ay kanilang pananagutin kahit na sino o ano pa man ang katayuan nito sa pamayanan.
Sinabi ni Caramat na alinsunod na rin aniya ito sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na bantayan ang pagkalat ng loose firearms dahil posible itong magamit sa krimen.
Bahagi rin ng operasyon ang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Base sa datos ng PNP, mula Enero hanggang June 9, 2023 umabot na sa 12,373 na mga baril ang kanilang nakumpiska sa iba’t ibang panig ng bansa.