MANILA, Philippines — Maraming lugar sa Luzon partikular sa lalawigan ng Batangas at mga lugar sa Metro Manila ang niyanig ng magnitude 6.3 lindol, kahapon ng alas-10:19 ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang sentro ng pagyanig ay nasa may 015 kilometro ng timog kanluran ng Calatagan, Batangas.
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang sanhi ng malakas na lindol at nasa 119 kilometro ang lalim ng lupa ng naturang lindol.
Naramdaman ang lakas ng lindol sa Intensity 4 sa Maynila, Mandaluyong, Quezon City, Valenzuela, City of Malolos, Bulacan, Batangas City, Ibaan, Lemery, Nasugbu, at Talisay, Batangas; Dasmariñas City at Tagaytay City, Cavite at Tanay, Rizal.
Intensity 3 naman sa Pateros, Las Piñas, Makati City, Marikina City, Parañaque City, Pasig City, Obando, Bulacan; Laurel, Batangas, Bacoor City, at Imus City, Cavite; San Pablo City at San Pedro City Laguna, at San Mateo, Rizal.
Intensity 2 - sa Caloocan City, San Juan City, Muntinlupa City, San Fernando City, La Union, Alaminos City at Bolinao, Pangasinan, Santa Maria, Bulacan at Bamban, Tarlac.
Intensity I naman sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Asahan na ang aftershocks at mga danyos kaugnay ng lindol.