Gunman ng radioman, kinasuhan na
MANILA, Philippines — Nagsampa ng kasong kriminal ang biyuda at anak ng pinatay na radio broadcaster na si Cresenciano Bunduquin sa Calapan City, Oriental Mindoro laban sa gunman.
Kasong murder ang isinampa ng biyuda ni Bunduquin sa umano’y gunman na si Isabelo Lopez Bautista Jr. 45, helper at residente ng Barangay Alcadesma, Bunsud, Oriental Mindoro at attempted murder naman ang isinampa ng anak na si John Mar sa Calapan City Regional Trial Court.
Ang binuong Special Investigation Task Group ‘Bunduquin’ ang nagpasa ng mga ebidensiya at lahat ng dokumento sa prosecutor office para sa ebalwasyon at assessment.
Positibong itinuro ng mag-ina si Bautista sa mga larawan na ipinakita sa kanila na siyang bumaril sa biktima ng malapitan noong Mayo 31 sa Barangay Sta. Isabela, Calapan City.
Sinabi naman ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Paul Gutierrez, na naniniwala ang pamilya ni Bunduquin na may iba pang tao na sangkot kabilang ang isang police major at kasama nito sa local peryahan na sangkot sa krimen.
- Latest