Kontrata ng Malampaya pinalawig hanggang 15 taon
MANILA, Philippines — Pinalawig hanggang 15-taon ng Marcos administration ang kontrata para sa Malampaya gas field.
Ito’y matapos lagdaan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Renewal Agreement for the Malampaya Service Contract no. 38 (SC 38) na nagpapahintulot para sa tuluy-tuloy na produksyon ng Malampaya gas field at titiyak na magagamit ang nalalabing gas reserves.
Ang paglagda ng Pangulo ay nagpalawig pa sa 25-year production contract na nakatakdang magtapos sa Pebrero 22, 2024. Tatagal ang kontrata hanggang February 22, 2039 o karagdagang 15-taon.
Sa ilalim ng kontrata, ang SC Consortium ay itinakdang magsagawa ng minimum work program na kapapalooban ng geological at geophysical studies gayundin ng drilling ng hanggang dalawang deep-water wells mula 2024 hanggang 2029.
Ang nasabing requirement ay bukod pa sa production operations nito.
Ang nasabing work program ay nakatuon para buksan ang potensyal ng existing gas field at ng malapit na prospect areas para pataasin ang produksyon.
Inaasahan ding magsusumite ang SC Consortium ng decommissioning plan at budget na sasakop sa abandonment of weels at decommission ng pasilidad alinsunod sa aplikableng international standards, kabilang ang timing at costs, sa loob ng 30-calendar days mula sa effectivity ng Renewal Agreement para sa approval ng Department of Energy (DOE).
- Latest