Lalaking pumapasok sa mga paaralan sa Maynila para magnakaw, arestado
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isang lalaki na pumasok sa isang pribadong paaralan at nakawin ang cellphone at Ipad ng estudyante sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Raymond Isidro Azaña, 30, nagpapanggap na estudyante kaya nakakapasok sa mga prestihiyosong unibersidad.
Sa ulat, noong Mayo 3, rumesponde ang mga pulis tungkol sa isang komosyon sa nasabing lugar at dito ay nadakip ang suspek na may dalang kalibre 38 baril habang naghahamon ng gulo.
Batay sa kuha ng CCTV na noong Abril 2023, ang suspek ay nakapasok sa isang eskwelahan at nakitang sinipa ang isang cellphone at inilagay sa kaniyang sling bag at kinuha ang Ipad.
Hindi napansin ng mga estudyante na abala sa pakikinig sa guro ng Physical Education class.
Lumabas sa imbestigasyon na may patung-patong nang reklamo laban kay Azaña, kung saan nakapambiktima na siya ng iba pang estudyante sa tatlong private universities sa Maynila.
“Nalulong po kasi ako sa sugal. Sanhi ng pagkakalulong nakakagawa po ako ng mali,” sabi ni Azaña.
- Latest