Abogado tinangayan ng P9.9 milyon ng lover

MANILA, Philippines — Tinangayan ng nasa P9.9 milyon ng isang babae ang isang abogado na kanyang pinaibig.

Nakatakdang sampahan ng kasong estafa at robbery extortion ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Marielle Cruz Padel, alyas Lyka Cruz Padel na naaresto noong Abril 26 sa loob ng isang mall sa Quezon City.

Sa ulat ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD), unang dumulog sa kanila ang hindi na pinangalanang abogado na nagsampa ng reklamo sa suspek.

Sa kaniyang salaysay, nakilala niya sa Facebook si Marielle, niligawan niya, naging kasintahan hanggang sa magkita at nagtalik.

Makalipas ang ilang pagtatalik, sinabihan siya ng babae na buntis siya na tinanggap naman ng biktima at pananagutan. Ngunit hindi na muli nagparamdam ang babae hanggang sa makatanggap ang biktima ng mensahe sa isang Lyka na nagpakilalang kakambal ng nobya niya.

Ayon kay Lyka, namatay si Marielle nang magpa­laglag ng sanggol. Sinisisi niya ang biktima sa nangyari sa kakambal at nagbanta na sisirain ang kaniyang pamilya at reputasyon kapag hindi nagbigay ng pera.

Nagpadala naman umano ang biktima ng pera na umabot sa P9.9 milyon, hanggang sa matuklasan niya na si Marielle at Lyka ay iisang tao lamang.

Noong Abril 26, muling humingi ng pera sa kanya si Lyka na halagang P61,000. Dito na ikinasa ang entrapment na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek makaraang tanggapin ang marked money mula sa biktima.

Show comments