MANILA, Philippines — Upang maproteksyunan ang kanilang sarili at maging sa mga motorista na kanilang nahuli sa paglabag sa batas trapiko ay inumpisahan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng body camera sa kanilang mga traffic enforcers.
Nasa 100 body-worn cameras ang ipapamahagi sa mga traffic enforcers ng MMDA na nakatalaga sa Katipunan Avenue, Sta. Mesa, Ortigas Avenue at sa Timog area sa Quezon City.
Ang mga recording mula sa mga body cameras ay naka-link sa bagong MMDA Command Center sa Pasig City na magagamit na ebidensiya kung sakaling magreklamo ang isang nahuling motorista.
Nagsagawa na rin ng orientation ang MMDA Traffic Discipline Office (TDO) sa ilan nilang enforcers ukol sa paggamit ng body cameras na tatagal hanggang 8 oras o isang shift ng isang personnel.