MANILA, Philippines — Dahil na rin sa walang tigil na pagsasagawa ng manhunt operations laban sa 10 preso na pumuga sa Malibay Sub-Station 6 detention facility ng Pasay City police ay nadakip ang pang-siyam na suspect na umano’y pasimuno sa pagtakas ng mga preso.
Sa report ni Pasay police chief P/Col. Froilan Uy na isinumite kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft ay kinilala ang pinakabagong nadakip na pugante na si Norman Deyta y Punzalan, a.k.a. Pitpit, 28, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, at residente ng No. 704 Apelo Cruz, Brgy. 157, Malibay Pasay City.
Nadakip si Deyta ng joint operation ng iba’t ibang tanggapan ng Pasay City police sa ilalim ng supervision ni Uy, alas-10:00 ng umaga kahapon sa kahabaan ng Apelo Cruz St., Brgy. 152, Pasay City.
Sa pagkakaaresto kay Deyta ay narekober sa kanyang posesyon ang baril ng binugbog nilang jailer na si PSSg Arrison Arid na isang .9mm Beretta na may magazine na kargado ng 8 bala.
Nauna nang nadakip ang ikaanim na tumakas na si John Michael Cabe y Medellin, 22, residente ng No. 74 Yellow St., PAL Gate 1, Brgy. 184 Maricaban, Pasay City at nahaharap sa kasong carnapping na naaresto, alas-8:40 ng gabi sa harap ng isang convenience store sa kahabaan ng Quirino Avenue, Brgy. San Dionisio, Parañaque City.
Naaresto naman ang pang pitong tumakas na suspect na si Romeo Estopa y Marasigan, residente ng Blk 8 Lt.8 Sta Rita St., Brgy 178 Maricaban, Pasay City, alas-6:45 ng umaga sa Mulawin St. Brgy 179, Maricaban, Pasay City.
Makalipas lamang ang kalahating oras ay sumunod namang nahuli ang pang walong pugante na si Carlo Magno Benavides y Legaspi, 37, residente ng No. 520 A Medicion 2E, Imus City, Cavite.
Patuloy ang paghahanap sa natitirang puganteng suspect na si Richard dela Cruz na nakalalaya pa rin hanggang sa kasalukuyan.