MANILA, Philippines — Nasa 104 estudyante ang isinugod sa ospital makaraang himatayin habang nagsasagawa ng surprise fire drill sa isang paaralan sa Cabuyao City, Laguna, kamakalawa.
Nagsagawa ang Gulod National High School – Mamatid Extension ng fire drill, alinsunod sa Department of Education Order No. 53 s. 2022 o Mandatory Unannounced Earthquake and Fire Drills in Schools.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO) chief Sabi “Bobby” Abinal Jr., nahimatay ang mga estudyante dahil sa uhaw at gutom.
Halos 3,000 estudyante ang nagtipon, alas-12:30 ng tanghali sa fire drill na nag-umpisa bandang alas-2:00 ng hapon at inatasan ang iba na magtungo sa open evacuation area at ang iba ay sa ilang mga silid-aralan.
Dito ay halos 20 estudyante ang nawalan ng malay sa open evacuation area habang halos 80 ang nahimatay sa loob ng silid- aralan.
Ang heat index sa lungsod ay halos 39 hanggang 42 degree Celsius mula ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon.
Ayon pa kay Abinal, walang safety officers at medics sa fire drill at tanging estudyante lamang mula sa Boy Scouts at Girl Scouts of the Philippines ang nagsilbing marshals.
Sinuspinde na ni Cabuyao, Laguna Mayor Dennis Hain ang lahat ng school fire drills.