Kaso sa ‘baril at bomba’ vs Teves, ibinasura ng DOJ

MANILA, Philippines — Nakapuntos ang kontrobersyal na si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. matapos ibasura ng Department of Justice (DOJ) ang isang reklamong illegal possession of firearms and unlawful possession of explosives na inihain laban sa kanya.

Ayon kay Mico Clavano, tagapagsalita ng DOJ, bunga ng kakulangan ng ebidensya ay ibinasura ang nasabing kaso laban kay Teves, at ang mambabatas ay hindi inaresto nang isagawa ang pagsalakay ng mga awtoridad sa isa sa kanyang mga tahanan.

Dagdag pa rito na ang mga nakumpiskang armas ay nasa kustodiya ng isang “Roland Aguinsanda Pablio” nang isanagawa ang pagsalakay ng mga awtoridad sa bahay ni Teves at wala ang ­kongresista.

Sa kabila nito, nilinaw ng DOJ na nahaharap pa rin si Teves sa pito pang reklamo para sa illegal possession of firearms, ammunition and explosives, kasama ang kanyang mga anak.

Ang mga raid, gayundin ang reklamo ay konektado sa mga ­reklamo para sa tatlong bilang ng pagpatay na inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Teves dahil sa umano’y pagiging “mastermind” sa mga pagpatay noong 2019. 

Show comments