MANILA, Philippines — Nasa ikalawang araw pa lamang kahapon para sa isang linggong tigil-pasada ng mga drayber at operator para tutulan ang isinusulong na modernisasyon sa kanilang sektor ay nagbalik na sa normal ang pamamasada ng mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, base sa ulat ng Inter-Agency Task Force on tigil-pasada, may mga isolated presence na lamang ng mga raliyista ang nasa Metro Manila.
Ito ay sa mga lugar ng Heritage sa Baclaran, Old Terminal sa Alabang, Monumento sa Caloocan City at Catmon/St. Francis St. sa Malabon.
Una nang nagpakalat ng Libreng Sakay ang iba’t ibang local government units sa Metro Manila pati na ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC, Office of Civil Defense (OCD) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa 130 na sasakyan ng pamahalaan ang ginamit sa Libreng Sakay kung saan nasa halos 5,000 pasahero ang naserbisyuhan.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tuloy ang implementasyon ng modernisasyon sa sektor ng transportasyon. - Mer Layson