MANILA, Philippines — Binigyang diin nina Tingog Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre kasabay ng buong lugod na pasasalamat sa mamamayang Pilipino sa pagboto sa kanilang Tingog bilang top performing partylist sa Kamara de Representantes na hindi kumpetisyon ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Ginawa nina Romualdez at Acidre ang pahayag bilang reaksyon sa isinagawang survey ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD) kung saan nag-top ang Tingog Party-list bilang top-performing partylists sa nakuhang 93.5% boto mula sa kabuuang 10,000 respondents na sinusundan ng ACT-CIS 89.4%, Agimat Partylist 88.6% at Ako Bicol 85.1%.
“We are humbly thankful for this honor. With all humility, we thank all those who believed in us. Rest assured that this recognition from our endeared constituency will only motivate us further to work harder for the welfare of our people and our nation,” ayon kay Rep. Romualdez, maybahay ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at kasalukuyang Chairperson ng House Committee on Accounts.
Sinabi ni Romualdez na bagaman isang malaking karangalan ang manguna sa hanay ng mga partylist ay itinuturing niya itong isang hamon para pagbutihin pa ang serbisyo publiko.
Magugunita na ang Tingog ay itinatag matapos ang pananalasa ni super typhoon Yolanda sa Eastern Visayas partikular na sa Tacloban City, Leyte noong Nobyembre 2013.