MANILA, Philippines — Dahil sa brutal na pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara sa Kuwait, iniutos ng Department of Migrant Workers (DMW) ang “preventive suspension” sa kanyang Kuwaiti employer sa pagkuha ng Pinoy na kasambahay.
“Upon review of the case involved and with the existing facts we had, we filed, the Department of Migrant Workers filed ... the employer involved, and we already issued an order preventively suspending the employer of OFW Jullebee Ranara,” ani DMW Undersecretary Bernard Olalia sa isinagawang press briefing noong Biyernes.
Ito aniya ay nangangahulugan na hindi puwedeng kumuha o mag-hire ang amo ni Ranara ng OFW ‘ngayon at kailanman’.
Ang suspensyon ay hahantong sa isang blacklisting sa pagtatapos ng mga paglilitis, ani Olalaia.
Nakatakda na ring magsampa ng kaso ang DMW laban sa recruitment agencies ni Ranara dito sa bansa at sa foreign recruitment agency na sangkot.
Pupulungin din ng DMW ang lahat ng local recruitment agencies na nagpapadala ng mga Pinoy na household services workers sa Kuwait para talakayin ang mga isyu at problema hinggil sa deployment sa bansa.
Nabatid na ang 35- anyos na si Ranara ay ginahasa ng 17-anyos na anak ng amo, at natagpuan ang sunog na bangkay nito sa disyerto ng Kuwait noong Linggo. - Joy Cantos