MANILA, Philippines — Dinakip ng mga otoridad ang walong lalaki matapos silang maaktuhan ng mga otoridad na kinakatay ang mga pawikan sa Sulu at kabilang sa kinatay ang isang hawksbill sea turtle na critically endangered na.
Ayon kay Police Major Joel Senogat Jr., Station Chief ng Sulu Maritime Police Station, nasa 15 pawikan ang kinatay sa baybayin ng Brgy. Bubuan, Hadji Panglima Tahil ng walong lalaki.
“Patay na lahat [ng pawikan] at may na-recover pa kaming mga buto. Ang nakalulungkot dito, may isa doon critically endangered na species yung hawksbill turtle and the rest are green sea turtle,” ani Senogat.
“May buyer sila from Tawi-tawi daw, parang ita-transport nila somewhere between Tawi-tawi and Palawan area at Chinese ang kukuha doon. Hindi lang matukoy kung magkano ang bentahan talaga,” ani Senogat.
Nakuha mula sa grupo ang limang motorized banca at mga gamit sa panghuhuli ng mga ito.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang mga naarestong suspek.