Agri products ng Pinas pinakamahal na sa ibang bansa

A vendor arranges vegetables at Nepa Q-Mart in Quezon City on February 20, 2022.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Kung ikukumpara sa ilang mga bansa sa buong mundo­ ay malaking agwat ang presyo ng mga produktong agrikultura at iba pang pagkain sa Pilipinas.

Ito ang sinabi ni ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Ray Florence Reyes na umano’y nakakaalarma.

Sinabi ni Reyes na kahit na bumaba pa sa P400.00 ang presyo ng sibuyas sa merkado sa bansa ay P87.00 lamang ang kilo nito sa Bangladesh. 

Noong Kapaskuhan ay naglalaro sa P650.00 hanggang P750.00 ang kilo ng sibuyas pero ilang araw bago sumapit ang Disyembre 31 ay tumaas ito sa P800.00 kada kilo.

Idinagdag pa ni Reyes ang asukal ay P90.00 kada kilo sa bansa pero sa Pakistan ay nasa P24.00 ito kada kilo habang ang baboy naman ay nasa P300.00 kada kilo sa mer­kado pero sa Paraguay ay nasa P104 .00 lamang ito kada kilo.

Ayon sa solon ay ito ang nagiging ugat ng smuggling na sobrang talamak na sa Pilipinas na lubhang nakaka­lungkot na ang bansa na isang malawak at malusog ang lupang agrikultura ay sobrang mahal ang presyo ng mga aning pananim tulad ng mga gulay.

Ang malaking diperensya sa presyo ng mga produktong pansakahan dito kumpara sa ibang bahagi ng mundo ay patunay lamang sa lalim ng epekto ng smuggling na ayon sa data ng House Committee on Ways and Means, nasa P5 bilyon taun-taon.

Kinalampag ng solon ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) na magsagawa ng agarang aksyon upang pigilan ang smuggling at protektahan ang mga magsasaka gayundin ang ekonomiya ng bansa.

Show comments