Mga pantalan, dinagsa ng mga pasahero

MANILA, Philippines — Dumadagsa pa rin ang mga pasahero sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa pag-uuwian na ng mga nagsibakasyon sa kanilang mga probinsya nitong nakaraang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.

Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG), nakapag-monitor sila ng kabuuang 55,656 outbound na pasahero at 44,942 pasahero sa lahat ng pantalan sa bansa.

Upang mabigyang seguridad ang publiko, nagtalaga ang PCG ng 2,021 tauhan sa 15 PCG Districts at ininspeksyon ang nasa 450 sasakyang-pandagat at 628 bangkang de-motor.

Kasalukuyang nakataas pa rin ang “heightened alert” ng PCG sa kanilang mga istasyon hanggang Enero 7 upang mapamahalaan ang inaasahan nang pagdagsa ng mga pasahero.

Sa ulat ng Philippine Ports Authority (PPA), nagkaroon ng mahabang pila ng mga pasahero sa Calapan Port, alas-10:00 ng umaga kahapon dahil sa kasalukuyang ginagawang konstruksyon ng isang establisimiyento sa pantalan.

Pinagkasya na lamang ang mga pasahero sa mga itinayong canopy tents habang inilaan ang parking space ng mga empleyado para maging silungan ng mga prio­rity passengers tulad ng mga senior citizens, persons with disabilities, mga buntis at mga bata.

 

Show comments