MANILA, Philippines — Nasa 50 kabahayan ang winasak ng buhawi sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Oton, Iloilo at Iloilo City kung saan dalawa katao ang sinasabing sugatan kahapon ng umaga.
Sa imbestigasyon, alas-5:00 ng umaga nang mabagsakan ng puno ang bahay ng maglola na sina Vilma Villarete 63 at 9-anyos na apo sa Brgy. Sta. Cruz, Arevalo, Iloilo nang dumaan ang buhawi sa kanilang lugar at tinamaan ang bahay na gawa sa light materials.
Sa datos ng Iloilo City Social Welfare Office, 39 na bahay ang nasira sa buhawi kung saan 21 sa Brgy. Sto. Domingo at 18 naman sa Brgy. Sta. Cruz.
Ayon pa sa ulat, dalawang residente ang nagtamo ng sugat nang mabagsakan ng puno ng mangga ang kanilang bahay.
Natumba rin ang mga poste sa dalawang barangay.
Sa bayan ng Oton, 15 bahay sa Brgy. Alegre ang nasira at ilang puno ang pinabagsak ng buhawi.
Inaalam umano ng mga otoridad ang kabuuang bilang ng mga apektadong bahay at halaga ng nasirang ari-arian.