Singil sa income tax bababa sa 2023 - BIR
MANILA, Philippines — Dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay bababa ang income tax ng mga taxpayers sa taong 2023 kaya’t inaasahan na ang pagkakaroon ng mga ito ng mas mataas na take home pay sa susunod na taon.
Ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ilalim ng TRAIN Law, simula sa January 1, 2023, ang mga manggagawa na may annual taxable income na mababa sa P250,000.00 ay mananatiling exempted sa pagbabayad ng personal Income Tax.
Ang ibang taxpayers maliban sa may taxable income na mahigit P 8 milyon ay magkakaroon ng mas mababang tax rates na mula 15% hanggang 30% sa susunod na taong 2023. Ito ay mula sa dating 20% hanggang 32%.
Ang mga top individual taxpayers na may annual taxable income na lampas sa P8 million ay may mas mataas na tax rate na 35% mula sa kasalukuyang 32%.
Ang income tax para sa individual’s taxable income ay dapat ma-compute epektibo sa January 1, 2023.
Kumpara sa income tax rates na naipatupad sa inisyal na implementasyon ng TRAIN Law noong 2018, ang bagong annual Income tax rates para sa indibidwal ay bababa ng 5% para sa mga may taxable income o higit pa sa P250,000.00 hanggang P2,000,000.00, habang 2% decrease naman sa tax rate para sa mga indibidwal na may taxable income na higit sa P2,000,000.00 hangang P8,000,000.00
- Latest