MANILA, Philippines — Kung mas maraming rehiyon sa bansa ang makapagtatala ng pagtaas ng kaso ay posibleng magdeklara ng outbreak ng hand, foot, and mouth disease (HFMD).
Ito ag sinabi ni Dr. Rontgene Solante na nagsimula ang impeksyon ng HFMD noong Oktubre sa San Pascual, Batangas kung saan mayroong 105 kaso ang natukoy, na karamihan sa mga bata na may edad isa hanggang 16.
Noong Nobyembre, may humigit-kumulang 540 kaso ng HFMD na natukoy sa Albay, na nakakaapekto sa mga bata mula isa hanggang 10 taong gulang.
Sa parehong buwan, 145 na kaso rin ang naitala sa Ilocos Region, karamihan sa mga bata na may edad apat hanggang siyam.
Sa National Capital Region (NCR), nakapagtala rin ng 155 HFMD cases mula Oktubre hanggang nitong Disyembre 6, at karamihan at nasa 11-taong gulang pababa.
Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes na tumataas ang mga kaso ng HFMD sa Metro Manila, ngunit wala pang deklarasyon ng outbreak para sa naturang sakit.
Paliwanag niya, maaaring ideklara kung ang mga kaso ay kumalat sa mga kalapit na rehiyon at kung ang mga naiulat na kaso ay tumaas sa higit sa 100% kumpara sa datos ng HFMD noong nakaraang taon.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang ng HFMD ay isang karaniwang nakakahawang sakit na kadalasang nakakaapekto sa mga bata.
Kasama sa mga karaniwang sintomas nito ang lagnat, masakit na mga sugat sa bibig, at isang pantal na may mga paltos sa mga kamay, paa at puwet.
Nakukuha ito ng mga bata sa paghawak sa mga bagay na kontamindo ng dumi ng mga indibiduwal na may taglay ng sakit na ito nang hindi naghuhugas ng kamay, dahil puwede itong kumapit sa kinakain at maari rin sa pag-inom ng tubig.
Maaari ring makakuha ng virus kung sila ay nakakakuha ng contact sa respiratory secretion o mga sugat sa balat ng isang taong nahawaan ng HFMD.