4 palapag na gusali sa Malabon bumigay, 3 sugatan

Binubuhat ng mga rescuer si Ronalyn Tombocon matapos na ito ay maialis mula sa pagkakaipit sa gumuhong 4 storey residential building sa Orchid St., Brgy. Longos, Malabon City, kahapon.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Sugatan ang tatlong ka­tao matapos gumuho ang isang apat na palapag na gusali sa Malabon City ka­hapon ng umaga.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Rob Tombocon, Francisco Catindoy at Ronalyn Tombocon.

Agad na tumugon ang Philippine Red Cross para sa medikal na atensyon ang mga biktima at si Ronalyn ang huling nailigtas mula sa gusali.

Batay sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-7:00 ng umaga nang gumuho ang gusali sa Orchid Street sa Barangay Longos, Malabon City na ayon sa mga biktima ay naramdaman nila ang pagyanig ng lupa bago ang insidente.

Lumilitaw na ang lugar na kung saan itinayo ang gusali ay dating sapa at natatakpan ng mga tambak na basura.

Pitong pamilya pang nakatira sa paligid ng gusali ang tinitingnang ilikas para sa kanilang kaligtasan.

Show comments