MANILA, Philippines — Tatawagin muna na Nazareno 2023 sa halip na Traslacion ang gaganaping kapistahan ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 9, 2023.
Sa ginanap na orientation kahapon, sinabi ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo na lahat ng elemento ng pagdiriwang ay kumpleto maliban sa ‘pahalik’ at ‘papasan’.
Sinabi ni Alex Irasga, adviser ng simbahan, ilan sa mga aktibidad ang pagpapadala ng imahe ng Nazareno sa iba’t ibang lalawigan, sektor at mga komunidad mula Disyembre 1 hanggang 15. Mula Disyembre 27 hanggang 29 naman ang pagbabasbas sa mga replica ng Itim na Nazareno.
Ang Pahalik o tinawag na ngayong Pagpupugay at pagsasagawa ng misa ay gaganapin sa Quirino Grandstand sa Enero 7.
Dito maaari pa ring lumapit sa Nazareno ang deboto pero kailangan muna na mag-alokohol bago at pagkatapos magpunas sa imahe. Kailangan din na nakasuot ng face mask ang mga deboto.
Sa Enero 8 ng madaling araw naman gaganapin ang “Walk of Faith” kung saan magkakaroon ng sunud-sunod na misa hanggang sa Enero 9 o ang mismong Kapistahan ng Quiapo.
Dito magkakaroon ng prusisyon mula sa Quirino Grandstand ngunit hindi muna kasali ang ‘andas’ ng Nazareno.
Ilalabas umano ang imahe ng Nazareno sa Jones Bridge kung saan magkakaroon ng “sungaw” sa image ng Mahal na Birhen ng Soledad at pagsapit naman sa tapat ng Sta. Cruz church ay ilalabas din ang imahe para sa “sungaw.”
Ipatutupad ang mga nakatakdang health protocols sa mga hiwa-hiwalay na pagdiriwang upang makaiwas sa posibleng hawahan ng COVID-19.