MANILA, Philippines — Bunsod ng banta ng bird flu ay pinairal ng Department of Agriculture (DA) ang temporary ban sa importasyon ng poultry products mula Japan, Hungary at California.
Ang kautusan ay nakapaloob sa DA Memorandum Orders (MO) No. 69, 70 at 71 na nilagdaan ni Undersecretary Domingo Panganiban.
Sa nasabing MO, ang importasyon ng domestic at wild birds at kanilang produkto kabilang ang karne, sisiw, itlog at semen sa mga naturang lugar ay pansamantalang ipinagbabawal.
Sinuspendi rin ng DA ang pagproseso, evaluation ng application at pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary (SPS) import clearance sa mga nasabing kalakal.
Hindi naman nababahala ang United Broilers Raisers Association (UBRA) sa pinairal ng import ban ng DA dahil mayroon naman umanong sapat na suplay ng manok hanggang pagsapit ng Pasko.