MANILA, Philippines — Nagningning at hinangaan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang isang marunong at hitik sa kaalamang internasyonal na lider sa pagpro-promote sa potensyal ng Pilipinas sa maraming larangan sa ginaganap na Asia –Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, napabilib ni Pangulong Marcos ang mga lider ng mga bansa na dumalo sa APEC Summit na ang ilan ay inimbitahan pa itong bumisita sa kanilang nasyon.
“The President’s efforts to promote the Philippines as an investment hub and advance its regional interests during APEC Summit are a resounding success, based on what transpired during the event,” pahayag ni Romualdez.
Sinabi ni Romualdez, epektibong naihayag ni Pangulong Marcos ang mga mahahalagang pandaigdigang isyu at bukod dito ay nagawa pa nitong mapabuti ang relasyon sa mga kapwa lider ng mga bansa partikular na sa bilateral meeting sa sidelines ng APEC meeting.
Inilahad pa ni Romualdez na sa panel discussion sa APEC Chief Executive Office Summit na dinaluhan din ng World Economic Forum founder na si Prof. Klaus Schwab at Global Chairman of PricewaterhouseCoopers International Limited Robert Moritz ay napapatango ang mga ito at sinasang-ayunan ang mga punto at posisyon ni Marcos sa mga isyung pandaigdig na tinalakay sa nasabing pulong.
“In his first ever face-to-face meeting with Chinese President Xi Jinping, President Marcos deftly handled the situation by focusing on common interests of the two countries, which set a cordial atmosphere that lead to an agreement to further deepen bilateral relations,” dagdag pa ni Romualdez kung saan tinalakay ng dalawang lider ang agrikultura, kalakalan, imprastraktura, energy at ugnayan ng mga tao sa kani-kanilang mga bansa. Samantala, sa sideline ng summit, nagkaroon ng bilateral meeting sina Marcos at New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern at kanilang tinalakay ang pagpapabuti ng kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFWs).
Tinalakay naman nina Marcos at French President Emmanuel Macron ang ilang isyu na nakakaapekto sa ekonomiya kabilang ang agrikultura, enerhiya at depensa. - Malou Escudero