MANILA, Philippines — Kinumpirma sa isang panayam ni Dr. Eric Tayag na itinalaga siya bilang undersecretary ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa kabila nito, nilinaw ni Tayag, hindi siya ang bagong kalihim ng Kagawaran o DOH secretary na kumakalat sa social media na siya ay itinalagang kalihim ng ahensya.
Huling hinawakan ni Tayag na posisyon ang pagiging direktor ng Knowledge Management and Information Technology Service at nagsilbi rin na DOH assistant secretary sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III at naging tagapagsalita nito.
Nilinaw ni Tayag na undersecretary ang posisyong ibinigay sa kaniya sa DOH na patuloy na nananatiling walang regular na secretary. Naghihintay pa naman umano siya ng abiso kung kailan siya manunumpa at anong gawain ang ibibigay sa kaniya.
Ang pagkakatalaga kay Tayag ay makaraan ang appointment din kay dating PNP Chief retired Gen. Camilo Cascolan bilang undersecretary at itinalaga naman sa superbisyon sa mga operasyon ng DOH sa Visayas.
Si Tayag ay nakilala sa pagiging “Dancing Assistant Secretary” o pagsasayaw para mapalakas ang iba’t ibang kampanya ng DOH.