‘Pinakamalungkot na gorilya sa buong mundo’, 3 dekada nang nakakulong sa shopping mall!

ISANG gorilya na nakakulong sa isang shopping mall sa Bangkok, Thailand ang tinawag na “world’s loneliest gorilla”.

Isang taong gulang pa lamang ang gorilya na si Bua Noi nang kunin siya sa kanyang natural habitat at gawing main attraction ng Pata Zoo. Ang Pata Zoo ay maliit na zoo na matatagpuan sa 7th floor ng Pata Pinklao Shopping Mall sa Bangkok.

Mahigit 33 taon nang nakakulong sa zoo si Bua Noi, ngunit nito lamang mga nakaraang buwan ay nag-viral sa mga social media websites ang litrato ng gorilya na tila malungkot dahil wala itong kasama sa zoo. Dahil dito, tinawag si Bua Noi bilang “Pinakamalungkot na gorilla sa buong mundo”.

Dahil sa hindi inaasahang pagiging viral online, mara­ming animal rights advocates sa buong mundo ang nanawagan na pakawalan na ang gorilya. Ngunit tumanggi ang mga nagmamay-ari kay Bua Noi na pakawalan ito at itinanggi nila na may depression ito dahil diumano’y regular na pinatitingnan nila ito sa beterinaryo.

Sinubukan nang makialam ng mga awtoridad sa Thailand ngunit  walang magawa ang mga ito dahil si Bua Noi ay considered as private property.

Sa kagustuhan ng mga animal rights advocates na mailigtas ang gorilya, nagkaroon ng donation drive para makaipon ng pera para bilhin si Bua Noi mula sa may-ari nito. Ngunit sinadyang taasan ng may-ari sa halagang 800,000 dollars ang presyo ni Bua Noi para hindi ito mabili.

Sa kasalukuyan, hindi itinitigil ng mga animal rights advocates ang panawagan nila na pakawalan na si Bua Noi. Umaasa sila na magbabago ang isip ng may-ari na hayaan na itong mag-retire sa isang sanctuary upang makasama na niya ang mga kauring gorilya.

Show comments