MANILA, Philippines — Dahil sa pagtama ng bagyong Paeng nitong Biyernes ng tanghali ay nasa 4,551 pasahero, drivers at mga cargo helpers ang iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Sakay ang mga ito ng 978 rolling cargoes, 29 barko at anim na motorbanca na stranded din habang nasa 73 vessels at 45 motorbancas ang nakikisilong sa mga pier sa Bicol, Southern Tagalog at Eastern Visayas.
Sinuspinde ng PCG ang mga biyahe ng mga sasakyang-pandagat sa Central Cebu, Camotes, Eastern Bohol at Western Leyte gayundin ang mga biyahe sa Roxas City tungo sa Romblon at pabalik.
Nagsuspinde rin ang PCG-Ilocos Norte ng biyahe ng maliliit na sasakyang-pandagat sa hilaga at kanlurang seaboards habang inabisuhan ang malalaking vessels ng malalaking alon sa karagatan.
Nanawagan si PCG spokesperson Commodore Armand Balilo sa mga biyahero lalo na ang mga uuwi sa kanilang mga probinsya sa Undas na suspindihin muna ang kanilang biyahe dahil sa banta ng bagyo at posibleng ma-stranded lamang sila.