MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ng West-zone Maynilad Water Services na ilang bahagi ng Metro Manila, Cavite at Bulacan ang mawawalan ng suplay ng tubig mula Oktubre 17 hanggang Oktubre 25.
Dahil dito, ngayon pa lamang ay pinag-iipon na ng tubig ng Maynilad ang mga residente sa Metro Manila, Cavite, at Bulacan area dahil sa inaasahang daily water supply interruptions mula sa Lunes bunsod ng mataas na demand sa Bagbag Reservoir.
Ayon sa Maynilad, mula sa Lunes hanggang October 25 ay mawawalan ng suplay ng tubig ang mga customer nito sa ilang bahagi ng Bulacan, Caloocan City, Makati City, Malabon City, Manila, Navotas City, Parañaque City, Pasay City, Quezon City, at Valenzuela City.
Ayon sa Maynilad mahihinto naman mula sa Lunes, October 17 hanggang October 24 ang suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Bacoor City, Caloocan City, Cavite City, Imus City, Kawit, Las Piñas City, Makati City, Malabon City, Manila, Noveleta, Parañaque City, Pasay City, Quezon City at Rosario, Cavite.
“We encourage our affected customers to store enough water when supply is available. Upon resumption of water service, please let the water flow out briefly until it clears,“ ayon sa Maynilad.
Dagdag ng Maynilad, may iikot na mobile water tankers sa mga apektadong lugar para magdala ng malinis na tubig at maglalagay sila ng stationary water tanks sa ibang mga lugar para may magamit sa panahon na may water interruption.