MANILA, Philippines — Apat na personalidad na kinabibilangan ng isang kasalukuyang undersecretary, isang board director, isang business executive at isang movie director ang napipisil na susunod na press secretary matapos magbitiw si Atty. Trixie Cruz-Angeles.
Nauna nang nagpahayag si Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara na malapit nang pangalanan ang isang bagong Press Secretary.
Kabilang sa mga nababanggit na posibleng pumalit kay Cruz-Angeles na hindi nakalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments ay sina transportation Undersecretary Cesar Chavez, Philippines Games and Amusement Corporation (PAGCOR) board director Gilbert Remulla, Atty. Michael “Mike” Toledo ng Metro Pacific Investment Corp. at movie director Paul Soriano.
Inamin ni Chavez na isinasaalang-alang siya bilang press secretary, pero hindi siya interesado sa posisyon dahil ibang larangan ang espesyalidad niya.
Sa kabilang banda, sinabi rin niya na sina Mike Toledo at Gilbert Remulla ay isinasaalang-alang para sa puwesto.
Si Toledo ay nagsilbing tagapagsalita ni dating Pangulong Joseph Estrada at si Remulla naman ay miyembro ng board of directors ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Samantala, nauna nang kinumpirma ng direktor na si Paul Soriano na kinokonsidera rin siyang press secretary, pero inamin niyang mas gusto niyang magtrabaho sa likod ng mga eksena.
Pamangkin din siya ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa pamamagitan ng first cousin nitong direktor na si Gines Soriano. - Mer Layson