MANILA, Philippines — Patuloy nang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sangkot sa pagbaril at pagpatay sa komentarista na si Percy Lapid makaraang mahagip sila ng CCTV camera.
“May dalawa na possible perpetrators na nahagip ng CCTV. Effort is being exerted to identify them,” sinabi ni Southern Police District deputy district director for operations Police Colonel Restituto Arcangel.
Bukod sa dalawang video footage na sinusuri nila ngayon para makilala ang mga salarin, may 10 pang CCTV footage rin ang kanilang nakalap at nakatakda ring pag-aralan.
Hindi pa naman sila nakakakuha ng pahayag sa naulilang pamilya ni Lapid o Percival Mabasa’ sa totoong buhay dahil sa nagluluksa pa. Sinabi naman ni PLtCol Dexter Versola, NCRPO spokesperson, na nakakuha sila ng video footage mula sa dashcam ng itim na Toyota Innova ni Mabasa.
May dalawang video cam umano na nakakabit sa sasakyan niya, isa sa harapan at isa sa likuran at isasailalim sa ‘enhancement’ upang maging mas malinaw ang kuha nito at makakuha ng mga importanteng impormasyon.
Nagpahayag naman ng pangamba si Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Joel Egco dahil ito ang kauna-unahang kaso ng pamamaslang sa isang miyembro ng media sa Metro Manila sa loob ng mahabang panahon.