MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pag-aangkat ng hindi lalagpas sa 150,000 metrikong toneladang asukal.
Base sa Sugar Order Number 2 na naka-post sa website ng Sugar Regulatory Administration, kalahati sa mga aangkating asukal ang ilalaan sa mga consumer o sa merkado habang ang kalahati ay ilalaan sa industrial users o mga malalaking kompanya na gumagamit ng asukal.
Maaari lamang sumali sa pag-angkat ang mga “duly registered” SRA International Sugar Trader na may maayos na record para sa crop years 2020-21 at 2021-22 at nag-renew ng kanilang registration para sa 2022-23.
Sisimulan ng SRA ang pagproseso sa aplikasyon ng importasyon tatlong araw matapos maging epektibo ang order ng Pangulo.
Inaprubahan ng Pangulo ang importasyon para matugunan ang kakulangan ng suplay sa merkado at maibaba ang presyo.
Matatandaang nabalot ng kontrobersiya ang pag aangkat ng asukal matapos aprubahan ng SRA ang pagbili ng 300,000 metrikong tonelada nang hindi inaprubahan ni Pangulong Marcos.