Holdaper sa mga convenience store patay sa engkuwentro

MANILA, Philippines — Napatay ng mga otoridad ang isang lalaki na umano’y responsable sa serye ng holdapan sa mga convenience­ store sa naganap na shootout sa Rodriquez, Rizal, kahapon ng madaling araw. Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek habang tinutugis ang dalawa nitong kasama.

Ayon kay Col. Dominic Baccay, Rizal police director na bago naganap ang shootout, alas-3:30 ng madaling­ araw ay nagpapatrulya ang mga pulis sa lugar nang humingi ng saklolo ang isang sekyu dahil sa umano’y panghoholdap ng tatlong lalaki sa binabantayan nitong convenience store sa kahabaan ng kalsada na sakop ng Brgy. Burgos.

Patakas na ang suspek na dumaan sa bubungan nang dumating ang mga pulis na kung saan sa halip na sumuko ay pinutukan ng mga ito ang mga otoridad. Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang isang suspek habang nakatakas ang dalawang kasama nito. -Doris Franche

Show comments