MANILA, Philippines — Maayos at mapayapa ang pagbabalik-eskwela ng mahigit sa 28 milyong estudyante sa bansa kahapon.
Ito ang iniulat ni Department of Education (DepEd) Secretary at Vice President Sara Duterte na pinangunahan ang National School Opening Day Program (NSODP) ala-1:00 ng hapon nitong Lunes sa Dinalupihan Elementary School.
Ayon kay DepEd spokesman Atty. Michael Poa, base sa mga updates na kanilang natanggap mula sa kanilang mga regional directors, hanggang alas-9:20 ng umaga ay wala pa silang naitatalang anumang untoward incidents o mga hindi kanais-nais na kaganapan, na may kinalaman sa pagbubukas ng klase.
Samantala, batay naman sa pinakahuling datos mula sa Learner Information System (LIS) ng DepEd para sa SY 2022-2023, nabatid na hanggang alas-7:00 ng umaga ng Agosto 22, 2022, ay nasa 28,035,042 na ang enrollees ngayong pasukan na katumbas ng 101.72% o higit sa bilang ng naitalang datos mula sa enrollment ng SY 2021-2022, na nasa 27,560,661 lamang.
Mula sa nabanggit na kabuuang bilang, 23,905,615 ang mula sa enrollment quick counts habang 4,129,427 ang bilang ng mga mag-aaral na mula sa early registration.
Pinakamarami anila ang nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 3,826,697 na sinusundan ng Region III (Central Luzon) na nasa 2,903,610, at National Capital Region (NCR) na nasa 2,717,755.