MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na umabot na sa mahigit 1,000 aftershocks ang naitala mata-pos ang magnitude 7 na lindol sa Abra.
Sinabi ng PHIVOLCS na may kabuuang 1,071 aftershocks ang natukoy sa mga apektadong lugar simula alas-10:00 ng umaga.
Ang pinakamataas na intensity na naramdaman dahil sa lindol ay Intensity VII.
Naranasan ito sa mga bayan ng Abra kabilang ang Tayum, Bangued, Bucay, Bicloc, Dangals, Dolores, La Paz, Lagangilang, Licuan-Baay, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pilar, Sallapadan at San Juan.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal na ilang mga apektadong residente ang nagkakampo sa labas ng kanilang mga tahanan dahil sa banta ng aftershocks.