Ambulansya na ginawang pampasada, huli sa I-ACT
MANILA, Philippines — Hinuli ng I-ACT Task Group-Special Operations Unit ang driver ng ambulansiya dahil sa paggamit ng kanyang sasakyan sa pamamasada sa Macapagal Boulevard, Parañaque City, kamakalawa ng umaga.
Nabatid mula sa ulat ni I-ACT SOU Commander Ret. Colonel Manuel Bonnevie, ilang araw na isinailalim sa surveillance ng Inter Agency Council For Traffic Special Operations Unit Team Alpha, kaya nabuko ang modus operandi ng driver ng ambulansya na kinilalang si Augusto Nazareno ng lokal na pamahalaan ng Rosario, Cavite.
Sa pangunguna ni Ret. Col. Bonnevie, hinarang ang ambulansiya sa Macapagal Boulevard, sa Paranaque City na markado pa logo ng “Republic of the Philippines-Department of Health” na may sampung pasahero kabilang ang isang sanggol na nagsisiksikan sa loob.
Nang tanungin ang mga pasahaero ay magkakaiba at hindi magkakatugma ang sinasabing destinasyong ospital ng mga sakay at wala ring masabi ang driver kung saang ospital maghahatid.
Kinuwestiyon din ang driver dahil sa walang akmang suot na personal protective equipment, walang seat belt at walang rehistro ng ambulansya.
Pinababa ng mga operatiba ang lahat ng sakay ng ambulansya at kinumpiska ang lisensya ng driver.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng I-ACT ang lahat ng emergency vehicle operators sa bansa na maging tapat sa tungkulin, sumunod sa mga panuntunan ng nasasakupang ahensya ukol sa paggamit nito.
- Latest