MANILA, Philippines — Ginunita kahapon sa pamamagitan ng pag-aalay ng misa ang unang taon ng araw ng kamatayan ni dating Pangulong Noynoy Aquino na ginanap sa loob ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.
Pinangunahan niAteneo President Fr. Bobby Yap sa Church of Gesu ang pag-aalay ng misa at sinabi na ang dating Pangulo ay naging isang competent leader ng bansa at naging daan sa pagbabago ng kabuhayan ng milyong Pilipino.
Anya, isinabuhay ni Aquino ang motto ng Ateneo na pagiging “man for others” at ang malaking suporta sa Benigno Simeon Aquino III Scholarship Endowment initiative na patunay ng uri ng kanyang mahusay na serbisyo-publiko na namuno sa bansa noong 2010 hanggang 2016.
Nagpasalamat naman si Ballsy Aquino-Cruz, panganay na kapatid ng dating presidente sa mga dating kamag-aral ni Noynoy sa Ateneo, sa pag-organisa ng misa, maging ang mga dumalo sa pagtitipon.
Kabilang sa mga dumalo ay ang kapatid ni Aquino na si Pinky, Vice President Leni Robredo, Liberal Party members Senators Franklin Drilon at Kiko Pangilinan, dating Interior Secretary Mar Roxas, dating presidential spokesperson Edwin Lacierda at kanyang deputy na si Abigal Valte, dating BIR Chief Kim Henares, at ang matagal ng tauhan ng pamilya Aquino na si Yolly Yebes.
Taong 2021 nang pumanaw si Aquino sa kanyang tahanan sa Times Street dahil sa renal disease secondary to diabetes. Siya ang nag-iisang anak na lalaki nina dating senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino.