MANILA, Philippines — Isusulong ng kampo ni leading presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbasura ng Korte Suprema sa isinampang disqualification cases.
Ayon kay Atty. Estelito Mendoza, abogado ni Marcos, hihilingin nila sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang diskuwalipikasyon laban kay Marcos na inihain ng mga petitioners para pigilan ang canvassing at proklamasyon ng presumptive President.
Una nang inatasan ng Korte Suprema ang Comelec, Senado at Kamara na magkomento sa loob ng 15 araw matapos maiahin na ang certiorari ng grupo ng mga sibikong lider na nais baliktarin ang ruling ng Comelec na ibinasura ang kanilang apela na idiskuwalipika ang ‘Certificate of Candidacy’ ni Marcos.
Hiniling rin ng mga petitioners na mag-isyu ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) para ipatigil ang canvassing ng boto at maproklama ang nagwaging frontrunner na si BBM.
Sinabi ni Mendoza na isinasaad sa Article VII Section 4 ng 1987 Constitution na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magtatapos na dakong alas-12 ng tanghali sa Hunyo 30 kung saan papalit na rito ang incoming President. Si Marcos ay nagwagi sa presidential race kung saan nasungkit nito ang mahigit 31-M boto.
Binigyang diin pa ni Mendoza na ang election protest ay maari lamang isampa kapag naiproklama na ang nagwaging kandidato.
Itinakda naman ang pagsanib na dalawang Kapulungan ng Kongreso para sa canvassing sa darating na Mayo 24 habang ang proklamasyon ay posibleng isagawa sa Biyernes ng susunod na linggo.