MANILA, Philippines — Patindi nang patindi ang labanan sa senate presidency dahil bukod kina Senate Minority Leader Juan Miguel Zubiri at Senador Cynthia Villar, nais din nila Senators Imee Marcos at Chiz Escudero na maging Senate President sa 19th Congress.
Sinabi ni Senator elect Raffy Tulfo sa isang panayam sa telebisyon ang apat na kasamahan niya ay nakausap niya tungkol sa pagkapangulo ng Senado.
Bukod sa nakausap umano ni Tulfo sina Villar at Zubiri ay tumawag rin sa kanya si Marcos at kamakalawa naman ng gabi sa naganap ng proclamation ay nakausap niya si Escudero.
Sa kanilang pag-uusap ay tinanong umano niya kung balak rin niyang tumakbong senate president at sinagot naman siya ni Escudero na pag-iisipan niya.
Habang hindi naman na pinalawig pa ni Tulfo kung gaano kalawak ang pinag-usapan nila ni Marcos.
Matatandaan na sinabi ni Sen. Sonny Angara na sina Marcos at Senator-elect Loren Legarda ay tinatarget naman ang pangalawang puwesto sa Senado na ang Senate president pro tempore.
Hindi binanggit ni Tulfo si Sen Win Gatchalian, na personal na ibinunyag noong nakaraang linggo na tatakbo rin siya bilang Senate president.
Sa kabilang banda, nang tanungin si Tulfo kung sino naman ang kanyang ibobotong susunod na Senate Presidency ay hindi niya direktang sinagot at sa halip ay sinabi na ang iboboto niya ay walang business interest na pinoprotektahan o poprotektahan.